LEGAZPI CITY – Nilinaw ng isang mambabatas na resulta ng kasunduan ng ilang bus company at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagtuloy ng dry-run sa provincial bus ban sa EDSA nitong Agosto 7.
Maaalalang nagbaba ng writ of preliminary injunction ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 223 laban sa bus ban.
Ibinunyag ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kasabay ng pagnanais sa pagtapos ng usapin sa provincial bus ban, nais din nitong matuloy ang dry-run upang maipakita na hindi angkop ang naturang hakbang.
Ayon kay Garbin, kung mapapatunayan na hindi epektibo ang ipinatupad na polisiya, dapat lang na abandonahin na ito ng MMDA.
Wala aniyang pag-aaral na magbibigay ng suporta sa data sa naturang polisiya habang ang nahihirap na mananakay ang maaapektuhan.
Samantala, aminado si Garbin na nananatiling ‘cold’ ang Korte Suprema sa inihaing mosyon sa resolusyon ng kaso at natatagalan sa pagbaba ng pasya dito.