-- Advertisements --

Aminado ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group na posibleng matagalan pa bago tuluyang matunton ang mga salarin sa likod ng deep fake video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang inihayag ni PNP-ACG Cyber Response Unit Chief, PCol. Jay Guillermo kasunod ng pagsasampa ng reklamo ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcaster ng Pilipinas sa kanilang tanggapan laban sa apat na mga Social media influences at social media pages kahapon hinggil sa nasabing isyu.

Aniya, mabusisi nilang pinag-aaralan ngayon ang naturang kaso kung saan natukoy na rin nila ang IP address na ginamit o pinagmulan ng naturang deep fake video ng pangulo.

Ngunit gayunpaman ay nilinaw rin ni Guillermo na posibleng abutin pa ng buwan ang pagtugis sa mga salarin sa likod ng nasabing cybercrime.

Bagama’t natukoy na kasi aniya ang IP address ng nasabing video ay nananatiling malaking hamon pa rin para sa kanila ang pagtukoy sa mga taong nasa likod nito na gumagamit ng naturang address.

Posible kasi aniyang gumagamit ito ng isang proxy server o ‘di kaya’y virtual private network na siyang ginagamit din sa ibang bansa.

Samantala, sa ngayon ay nailahad naman na ng PNP-ACG sa grupong nagsampa ng reklamo ang mga kakailanganing requirements para sa paghahain pa ng kaukulang kaso laban sa mga matutukoy na nasa likod ng nasabing krimen.

Sakali naman na matunton ang mga ito ay mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012.