Inihayag ng Department of Information and Communications Technology ang pagsusulong na pag-isahin o pagsama-samahin ang iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno kontra fake news.
Layunin umano kasi ng kagawaran na tuluyan ng mawakasan ang problemang ito na patuloy pa ring kumakalat sa mga social media platorms na matatagpuan online.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Undersecretary Jeffrey Ian Dy ng Department of Information and Communications Technology, pinagpaplanuhan na ang mga susunod na pagpupulong matapos nilang makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation hinggil rito.
Aniya, wala kasing kakayahan ang kagawaran pagdating sa ‘police power’ nito kaya mas mainam na magkaroon ng pinaigting na koordinasyon mula mga tanggapan ng gobyerno.
Ngunit sinabi niyang mayroon namang mga kagamitan at kapabilidad ang DICT para i-monitor at bantayan ang galaw, kilos at pagbabagong nangyayari online.
Iginiit din ng naturang undersecretary na ang hiwa-hiwalay na pag-iimbestiga at monitoring ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay siyang isa sa kanilang mga kinakaharap na problema.
Kulang umano kasi ang nagiging resolusyon ng isang inisyatibo na panagutin ang mga salarin sa pagpapakalat ng fake news kung pa-isa-isa lamang ang nag-iimbestiga sa mga kaso.
Dahil dito, ibinahagi niyang makatitiyak ang publiko na buo at magiging isa ang kanilang mga magiging aksyon Lalo pa’t planong mas palawigin na ang mga pagpupulong ng kagawaran tungkol sa isyung ito.
Isasama rin sa mga bibigyang pansin ang pagpapanagot sa mga social media platforms na hindi kumikilos para maibsan ang problemang ito ng bansa.