Sa gitna ng pagdiriwang ng Eid al-Fitr bilang pagtatapos ng Ramadan, patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian na gawing institutionalized at patatagin ang Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Program sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa ilalim ng Senate Bill No. 382 o ng Arabic Language and Islamic Values Education Act, isinusulong ni Gatchalian ang pagpapatatag, pagrespeto, at pagpapanatili sa pagkakakilanlan, kultura, at mga tradisyon ng mga Pilipinong Muslim.
Layunin din ng naturang panukala na tiyakin ang kontribusyon ng mga Pilipinong Muslim sa mga adhikain ng bansa at kilalanin sila bilang mga katuwang sa pagpapatatag ng bansa.
Magiging saklaw ng ALIVE Program ang probisyon ng mga pasilidad, school furniture, equipment, angkop na textbooks at instructional materials, at technical at financial educational assistance sa mga accredited o recognized private madaris ng Department of Education (DepEd).
Ang madaris ay mga privately-operated at community-based na mga paaralan na nakatutok sa Arabic literacy at Islamic studies.
Saklaw din ng ALIVE Program ang training o capacity-building ng mga asaditz, kabilang ang mga trainers, supervisors, at mga administrator.
Batay sa tradisyon at kasaysayan, ang mga asatidz ay mga guro sa karamihan ng mga Muslim Filipino communities.
Sa ilalim ng panukala, maaaring mag-aral ng Arabic Language o Islamic Values Education ang parehong Muslim at non-Muslim na mga mag-aaral kung may nakasulat na pahintulot mula sa kanilang mga magulang o guardian.
Saklaw ng panukala ni Gatchalian ang parehong mga pampublikong paaralan at mga pribadong madaris sa labas ng BARMM. Saklaw din ng panukala ang mga mag-aaral sa Alternative Learning System.