CENTRAL MINDANAO – Nagkabitak-bitak ang ilang mga kabahayan, tindahan at tanggapan ng gobyerno dulot ng pag-uga ng lupa sa Kadingilan, Bukidnon.
Maraming mga residente ang natulog sa labas ng kanilang bahay sa takot dahil sa nararanasang aftershock ng lindol.
May naitala rin na sugatan nang mabagsakan ng mga gamit sa bahay at mga hollowblocks.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tectonic in nature ang nasabing lindol na tumama 9:22 nitong Lunes ng gabi sa 6 kilometers ng northwest sa bayan ng Kadingilan, Bukidnon at may lalim ito ng 10 kms.
Naramdaman ang intensity 5 sa Kidapawan City at intensity 4 sa Davao City at Cotabato City.
Nagbabala rin ang Philvolcs na may mga aftershocks na mararamdaman matapos ang nasabing pagyanig.
Nagdulot rin ito ng takot sa mga residente ng probinsya ng Cotabato kung saan malakas rin ang pagyanig dahil kalapit probinsya lamang ang bukidnon.