-- Advertisements --

Pinuna ng maritime expert na si Ray Powell, ang mga pahayag ng China na dapat daw alisin ng Pilipinas sa lalong madaling panahon ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.

Sa naging statement kasi ni Chinese Defense Ministry spokesman Senior Colonel Tan Kefei, sinabi nitong labag sa kanilang batas ang pananatili ng barko ng Pilipinas sa tinutukoy nilang Xianbin Reef.

Ayon kay Powell, malinaw na walang karapatan ang China na panghimasukan ang aktibidad ng Pilipinas sa bahagi ng karagatan na saklaw ng exclusive economic zone.

Kakatwa rin umano na binigyan pa ng pangalan ang bahura bilang Xianbin Reef, gayong matagal na itong tinatawag na Sabina o Escoda Shoal.

Mali rin umanong sabihin ng China na grounded ang barko na naka-angkla lamang o pansamantalang nakahimpil sa nasabing parte ng karagatan.

Para sa maritime expert, hindi nalalaman ng China ang kanilang mga sinasabi.

Si Powell na isang dating US Air Force official at defense attaché ay kilalang eksperto sa maritime issues sa West Philippine Sea at maging sa monitoring ng mga sasakyan sa nasabing parte ng karagatan.