-- Advertisements --

Wala pang nakikita ang pamahalaan na nakakaalarmang sitwasyon o pagkilos ng mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mula nang dalhin sa The Hague ang dating pangulo, upang humarap sa kasong crimes against humanity.

Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro na karapatan ng sinoman na sumuporta sa dating pangulo, malungkot, magdalamhati, at magpahayag ng pagkadismaya sa pagkakaaresto kay Duterte.

At hindi aniya ito pakikialaman ng gobyerno.

Gayunpaman, sa oras na sobra na, puro kasinungalingan na ang ipinapakalat sa publiko, at pag nagkaroon na ng tangkang destabilisasyon laban sa pamahalaan, pangako ng opisyal, hindi ito tutulugan ng gobyerno.

Magkakaroon aniya sila ng plano kung papaano ito tutugunan, para sa mga Pilipino at para sa Pilipinas, lalo’t sila sa pamahalaan, ginagawa lamang naman ang kanilang tungkulin.

Sa kabilang dako una ng tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit nilang binabantayan ang anumang pagkilos mula sa mga supporters ng dating Pangulo.

Sa ngayon isinailalim ng PNP sa heightened alert satus ang buong bansa.