-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee Chairman on Dangerous Drugs at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na tsismis lamang o walang katotohanan ang naging pahayag ni dating PNP Chief at ngayo’y Senator Ronald Dela Rosa na pini pressure ang isang police general para magsalita laban sa kaniya at kay dating Pangulo Rodrigo Duterte kaugnay sa extra judicial killings (EJK).

Sa isang pahayag sinabi ni Barbers na ang isyu hinggil kay PMGen. Romeo Caramat ay mukhang marites o tsismis lang.

Isa si Caramat sa mga police generals na binanggit ni Dela Rosa na nuoy siya ang Chief PNP ng Duterte administration.

Nakahanda umano si Caramat na magsalita at ilahad ang lahat ng nalalaman sa nangyayaring EJK ng nakaraang gobyerno kung siya ang mapipili bilang PNP Chief.

Sinabi ni Barbers, walang kapangyarihan si Speaker Martin Romualdez na mag appoint ng Chief PNP dahil ang Pangulo ng bansa ang siyang pumipili kung saan mayruon itong tiwala at kumpiyansa.

Mariin ding pinasinungalingan ni Barbers ang alegasyon ni Dela Rosa na ang Quad Committee hearings ay gagamitin laban sa kaniya at kay dating Pangulong Duterte.

Giit ni Barbers layon ng Quad Comm na alamin ang katotohanan hinggil sa nasabing isyu.

Sinabi ni Barbers na bukas ang Komite na dumalo si Senator Dela Rosa dahil napakalaki ng impormasyon na pwede maitulong nito dahil siya ang PNP chief nuon.