Todo tanggi si dating Sen. Antonio Trillanes IV ang mga pahayag ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy na nagsabwatan umano ang mga taga-oposisyon upang patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang kasama sina Trillanes, Vice President Leni Robredo, at opposition senators Leila De Lima at Risa Hontiveros at iba pang mga personalidad na sinampahan ng kasong sedisyon ni Advincula kaugnay ng serye ng mga videos na nag-uugnay sa First Family sa transaksyon ng iligal na droga.
Ayon kay Trillanes, binabaluktot umano ni Advincula ang mga tunay na pangyayari upang gumawa ng sarili nitong bersyon ng istorya.
Bagama’t inamin ng dating senador na nakipagkita ito kay Advincula noong nakaraang taon, bigo raw silang mapanatunayan na puwede itong maging testigo.
Muli ring itinanggi ni Trillanes na pinondohan niya si Advincula upang gawin ang “Ang Totoong Narco-list” videos.
Naniniwala rin si Trillanes na layunin ng kinakaharap nilang kasong sedisyon na magpadala ng “chilling message” sa oposisyon.