Naniniwala si Cabinet Secretary Karlo Nograles na posibleng “taken out of context” o naiba ang pakahulugan ng naging pahayag ni Energy Sec. Alfonso Cusi na hindi sadya ang pagkakabangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.
Sinabi ni Sec. Nograles, nagtatanong lamang si Sec. Cusi ng mga posibleng anggulo sa nangyaring banggaan.
Ayon kay Sec. Nograles, huwag masamain ang naging pahayag ni Sec. Cusi dahil hindi naman ito “statement of fact.”
Kasabay nito, tiniyak ni Sec. Nograles na nakahanda ang gobyerno na tulungan ang mga mangingisda at protektahan ang kanilang mga karapatan.
Magugunitang nadismaya ang mga mangingisda sa naging pahayag ni Sec. Cusi na kung sinadya ang pagbangga, mas malala sana daw ang pinsala sa nabanggang bangka.