Nagdulot umano ng kalituhan ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pag-certify nitong urgent sa Sexual Orientation and Gender Identity or Expression Equality (SOGIE) Bill at ang pahayag ng tagapagsalita nito na ang tinutukoy talaga ng chief excutive ay Anti-Discrimination Bill.
Ayon kay SOGIE Bill principal author Sen. Risa Hontiveros, magkakaroon ng “policy confusion” sa magkaibang pahayag mula sa Malacanang.
Giit nito, nananatiling “best policy tool” ang kanilang panukala para maprotektahan ang mga kabilang sa LGBT community mula sa anumang uri ng diskriminasyon.
“This protective mechanism is unique to LGBTs who experience not only discrimination but also stigma. We hope that President Duterte will seriously consider these points,” wika ng mambabatas.
Pero una nang sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na malabong pumasa sa Senado ang SOGIE bill.
Para kay Sotto, dapat mawala ang diskriminasyon sa lahat ng tao at hindi lamang sa LGBT community, kaya mas angkop na isulong ang Anti-Discrimination Bill.