Walang basehan ang naging pahayag ni CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front) founding chairman Jose Maria “Joma” Sison kaugnay sa umano’y pagdedeklara ng Martial Law sa buong bansa.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año, ang naturang pahayag ay produkto lamang ng kaniyang imahinasyon.
Giit ng AFP chief, nakatutok ang militar sa kanilang misyon na tapusin ang krisis sa Mindanao upang maibalik na ang normal na pamumuhay sa lugar.
Buwelta ni Año kay Sison at sa CPP-NPA-NDF, malinaw na sinasamantala nila ang sitwasyon kung saan patuloy ang kanilang paglulunsad ng mga opensiba sa buong bansa, gayundin ang pangingikil, at panununog ng mga public at private properties.
Una rito, Sinabi ni Sison na ang pagdeklara ng Martial Law sa buong bansa ay isang deklarasyon na rin ng giyera laban sa revolutionary movement at tuluyan ng tuldukan ang peace negotiation na kanilang isinusulong.
Sa kabilang dako, ayon naman kay AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo, kanilang ikinalungkot ang naging interpretasyon ni Sison.
Paliwanag ni Arevalo na layon ng planong pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao ay para tugunan ang problemang rebelyon sa Marawi at ipagpapatuloy ang magandang depensa ng mga government forces sa pakikipaglaban s mga terorista.
Nais din ng pamahalaan na matigil na ang pagbibigay suporta ng ilang mga indibidwal sa mga terorista, pagbibigay ng simpatiya sa mga ito at pagkakanlong sa kanila.
“The intent of the Martial Law extention is to quell the rebellion in Marawi and to ensure that we will continue with the gains that we have achieved in our combat, in combatting terrorism,” wika ni Arevalo.