Hindi kumbinsido ang grupong Philippine Coalition for the International Criminal Court sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magiging banta sa soberanya ng Pilipinas ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court sa drug-related death noong panahon ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Atty. Ray Paolo Santiago, hindi raw “accurate” ang naging pahayag ng pangulo dahil bilang isa aniyang miyembro ng International Criminal Court ay otomatiko na aniya nating tinanggap ang hurisdiksyon ng nasabing International chamber.
Paliwanag niya, kabilang daw kasi sa commitment ng Pilipnas noong tinanggap nito noon ang hurisdiksyon ng ICC ay ang patuloy na pakikipagtulungan sa kooperasyon at koordinasyon ng ating bansa sa nasabing korte hangga’t mayroon pang nakabinbin na proceeding sa withdrawal ng Pilipinas mula sa pagkakaanib nito sa ICC.
Dagdag pa ng coalition, kung nais ng ating pamahalaan na ihinto na ng ICC ang pag-iimbestiga sa drug war sa bansa ay kinakailangan lang anila na ipakita nito ang pagsasagawa ng tunay na imbestigasyon hinggil sa 7,000 kaso ng drug related cases na nanlaban umano noong kasagsagan ng war on drugs campaign ng Duterte Administration.
Matatandaang noong taong 2019 ay inalis ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinas mula sa Hague-based tribunal makaraan ang isang taon nang magsimula ang ICC sa kanilang preliminary investigation sa kaniyang ipinairal na war on drugs campaign sa Pilipinas.