CAUAYAN CITY – Tahasang inalmahan ng Regional Manager ng National Food Authority o NFA sa Region 2 ang naging pahayag ni Agriculture Sec. William Dar kamakailan na may “palakasan system” at “under the table” sa pagbili ng palay ng NFA.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Manager Rocky Valdez ng NFA-Region 2, sinabi niya na nagulat siya sa naging pahayag ng kalihim habang nasa launching ng Rice Competitiveness Enhancement Fund nitong Sabado, Oktubre 12, sa Isabela.
Posible aniyang may katotohanan ang sinabi ng kalihim subalit ito ay sa mga nakalipas ng panahon, at sa kasalukuyan ay walang suki o palakasan system sa ikalawang rehiyon.
Bilang patunay ayon kay Regional Manager Valdez, mula noong Enero hanggang ngayong Oktubre ay nakabili na sila ng 1.5 million bags mula sa mahigit 12,000 magsasaka sa rehiyon.
Hinikayat niya ang mga magsasaka na tulungan sila para matiyak na walang nangyayaring palakasan system sa rehiyon.
Aniya, makipag-ugnayan lamang sila sa kanilang tanggapan kung mayroon silang nalalaman para alam nila kung saang lugar ang kanilang aaksyunan.
Nilinaw ni Regional Manager Valdez ya na hindi masama ang kanyang loob sa naging pahayag ni Dar, kundi tinawag lamang niya itong unfair o hindi patas.
Iminungkahi rin niya na mas mabuti na lamang na tukuyin ang mga lugar na may ganitong sistema para hindi madamay ang mga empleyado ng NFA na walang ginagawang iligal.