Tinawag na kabaliwan ng AFP ang pahayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na maaring ipaaresto anumang oras ng Estados Unidos sa militar at PNP ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay AFP-Public Affairs Office chief Col. Noel Detoyato, ang pinagsasabi ni Sison ay indikasyon na “nababaliw” na ang communist leader.
Sinabi ni Detoyato, hindi naman tagasunod ng Estados Unidos ang Pilipinas dahil ito ay isang sovereign country, na may sariling demokratikong proseso.
“We are a sovereign country. We have our own democratic institutions.Yung sinasabi ni joma is an indication of his state of mind,” pahayag ni Detoyato.
Hindi rin aniya magagawa ng militar at pulisya na dakpin ang kanilang commander-in-chief dahil lang sa ipinag-utos ng Estados Unidos.
Binansagan ni Detoyato si Sison na isang “duwag,” at hinamon na umuwi na lang sa bansa at harapin ang realidad.
“This coward has gone insane. He is already muttering words of an old man whose memory has abandoned him. Come back to the Philippines and face reality,” ani Detoyato.