Binatikos ng ilang mambabatas ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na tiwala siyang ma-a-absuwelto sa impeachment trial.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun at Deputy Majority Leader Paolo Ortega, na hindi maaalis ng kumpiyansa ni VP Sara Duterte ang mabibigat na patunay sa mali umanong paggastos sa kaniyang confidential funds.
Matatandaang sa Articles of Impeachment na inihain laban kay VP Sara, ginastos niya ang P125 million-peso na halaga ng confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong 2022 kung saan aabot sa higit 612 million pesos ang halaga ng confidential funds na ginamit ni VP Duterte.
Muling binigyang-diin ni Ortega ang mga peke o kahina-hinalang indibidwal sa pamemeke umano ng mga transaksyon sa naturang pondo.
Nagbabala naman si Khonghun sa paggamit ng political alliance para maimpluwensyahan ang magiging resulta ng impeachment trial.
Dagdag ni Ortega, hindi isang political maneuver ang impeachment, kung hindi pagtataguyod sa Konstitusyon at pagprotekta sa pondo ng bayan.