-- Advertisements --

Nagdulot ng bahagyang kalituhan sa ilang nakapanood ng magkahiwalay na video nina Executive Secretary Lucas Bersamin at Defense Sec. Gilbert Teodoro Jr.

Una kasing lumitaw noong nakaraang linggo ang pahayag ni Bersamin na nagsasabing posibleng misunderstanding lamang ang sanhi kaya nauwi sa komprontasyon ang sitwasyon sa Ayungin Shoal na ikinasugat ng mga sundalong Pilipino.

“Well, you know this was probably a misunderstanding or an accident. We’re not yet ready to classify this as an armed attack. I don’t know kung ‘yong mga nakita namin is bolo, axe, nothing beyond that,” wika ni Bersamin.

Pero sa latest statement naman, inihayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na sinadya, hindi aksidente at hindi misunderstanding ang nangyaring insidente sa Ayungin Shoal nuong June 17, 2024 kung saan isang Navy personnel ang naputulan ng daliri dahil sa agresibong aksiyon ng China Coast Guard.

Sinabi ni Teodoro, batay sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi nagbabago ang polisiya ng Pilipinas hinggil sa isyu sa West Philippine Sea at kailanman hindi isusuko ng Pilipinas kahit isang pulgada ng ating teritoryo.

Ayon sa kalihim kailanman hindi magpapasupil at magpapa api ang Pilipinas kaninuman.

Hindi rin kailangan na humiling ng permiso kaninuman sa pagtupad sa sinumpaang tungkulin partikular sa West Philippine Sea.

Giit ni Teodoro na magpapatuloy ang rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre.

“We see the latest incident in Ayungin not as a misunderstanding or an accident. It is a deliberate act of the Chinese officialdom to prevent us from completing our mission,” wika ni Teodoro.

Pero una na ring sinabi ni ES Bersamin na ang inisyal nilang naging pahayag ay rekomendasyon pa lamang habang ang huling statement na isinapubliko ni Sec. Teodoro ay mula sa pasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa huli, iisa pa rin ang posisyon ng bansa sa pagtatanggol sa West Philippine Sea dahil ito ay malinaw na saklaw ng ating hurisdiksyon, lalo na ang nasa loob ng exclusive economic zone.