-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Inirereklamo ng mga overseases Filipino workers sa Dubai, United Arab Emirates ang sangkaterbang requirements bago makakuha ng 750 dirham o katumbas ng P10,000 na tulong pinansiyal mula sa pamahalaan ng Pilipinas.

Ito ay bilang ayuda umano sa mga OFW sa naturang bansa na apektado ng pinapairal na lockdown dulot ng coronavirus disease pandemic.

Ayon kay Bombo International Correspondent Jeffrey Fernandez Fuentes, tubong Camaligan, Batan, Aklan na hirap silang kumilos upang maasikaso ang mga kinakailangang dokumento dahil sa curfew at lockdown.

Kailangan aniyang patunayan ng isang OFW na nawalan siya ng trabaho dahil sa COVID crisis.

Sa halip na makatulong umano ay lalo pa itong pumapatay sa mga OFW na nangangailangan ng tulong.

Dahil dito, karamihan sa mga Pinoy sa Dubai ay nakararanas na ng gutom.

Ilan rin sa mga OFW na nawalan ng trabaho kasama ang mga holder ng tourist visa na naipit sa lockdown ay humihiling ng repatriation.

Karamihan rin umano sa mga employers sa Dubai na apektado din ng krisis ay nakikipagkasundo sa kanilang mga manggagawa na bawasan ang sahod o pauuwiin sa kanilang bansa.