Hinikayat ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pribadong sektor sa Pilipinas na magbigay ng quarantine o isolation leave sa kanilang mga empleyadong may close contact, sintomas, at nagpositibo sa COVID-19.
Batay sa inilabas na Labor Advisory No. 01 s. 2022 na nilagdaan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, kinakailangan na makapagkumpleto ng quarantine o isolation period home-based man o facility-based ang mga empleyadong may close contact, hinihinala, at kumpirmadong may COVID-19.
Ito ay alinsunod sa inilabas na Department Memorandum No. 2022-0013, at Department Circular No. 2022-0002 ng Department of Health (DOH), at ang Joint Memorandum Circular No. 20-04-A ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI).
Nakasaad din sa nasabing labor advisory na patuloy na makakatanggap ng sahod mula sa kanilang employer ang lahat ng mga empleyadong exposed na kinakailangang sumailalim sa isolation at quarantine sa bahay man o sa isang facility sa loob ng ilang araw.
Maaari namang makatanggap ng compensation ang mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19 pero hindi kabilang dito ang mga indibidwal na kinakailangang ilagay sa isolation at quarantine para sa obserbasyon kasunod ng mga preliminary positive test results.