VIGAN CITY – Dalawa ang anggulong tinitingnan ng mga otoridad sa pagbaril sa mag-live-in partner na sangkot sa 5-6 lending scheme sa Barangay Cabaritan, Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Police Captain Christopher Ramat, hepe ng Sto. Domingo Municipal Police Station, sinabi nito na noong nakaraang buwan ay nasampahan ng kasong concubinage at paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act ang biktimang si William Ripotula Jr., sa pamamagitan ng kaniyang asawang Overseas Filipino Worker.
Dahil dito, ang isyu sa pagpapautang at ang kasong naisampa laban kay William ang mga tinitingnang anggulo sa patay sa kaniya,kasama ang kaniyang live-in partner na si Lilian Umani.
Ayon kay Ramat, si William ang talagang puntirya ng mga hindi pa kilalang suspek base sa tama ng baril na natamo nito at nadamay lamang si Lilian na nasa loob ng sinakyan nilang tricycle.
Nagtamo si William ng tatlong tama ng bala ng baril sa likuran at isa sa hita, samantalang si Lilian naman ay dalawang tama ng bala sa kaliwang braso ang natamo nito na tumagos sa dibdib.
Naitakbo pa sa Magsingal District Hospital ang mga biktima ngunit naideklerang dead on arrival.