-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng La Trinidad, Benguet ang mga turista na makibahagi sa La Trinidad Tourism Week 2019 na gaganapin ngayong linggo.

Ayon kay Valred Olsim, Municipal Tourism Officer ng La Trinidad, ito na ang pangatlong pagkakataon na isasagawa ang La Trinidad Tourism Week sa pamamagitan ng naaprobahang La Trinidad Tourism Ordinance.

Ipinaliwanag niya na layunin ng aktibidad na madagdagan ang kaalaman ng komunidad hinggil sa turismo sa bayan ng La Trinidad.

Aniya ang turismo ang isa sa mga pangunahing nakakatulong sa ekonomiya ng bayan.

Sinabi ni Olsim na magiging bahagi ng aktibidad ang Digital Photography Seminar, Tourism Conference para sa mga tourism Stakeholders Enterprise at Micro Small and Medium Enterprise Forum para sa mga negosyante at sa mga gumagawa ng mga lokal na produkto.

Gaganapin din ang Valley of Colors Tour sa iba’t-ibang tourism destinations sa La Trinidad gayundin ang ang Creative Demonstration na pangungunahan ng Solar Artist na si Jordan Mangusan at ang libreng konsyerto para sa lahat.

Kilala ang La Trinidad, Benguet bilang Rose Capital of the Philippines at matatagpuan din sa bayan ang tanyag na Strawberry Farm at iba’t-ibang matataas na bundok na dinarayo ng mga turista.