Nanindigan ang Department of Health (DOH) na mayroong malinaw na proseso sa pagsasagawa ng clinical trials para sa potensyal na bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Tugon ito ng DOH sa mga kritisismo tungkol sa papel ng ibang ahensya sa naturang proseso.
Paliwanag ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, mayroong nakalatag na “institutional structure” sa komite na kinabibilangan ng health department, kanilang attached agency na Food and Drug Administration, at ang Department of Science and Technology.
Ayon pa kay Vergeire, lahat ng vaccine developers ay dumadaan sa evaluation ng panel ng mga eksperto sa bakuna sa DOST, bago makakuha ng regulatory certificate mula sa FDA.
“Kapag nabigyan rin po ng positive recommendation at naaprubahan, ang DOH na po ang magpapatupad,” wika ni Vergeire.
“This is really a process. Lahat po kami nagtatrabaho nang sama-sama (We are all working together). This is whole of government,” dagdag nito.
Sinabi pa ng opisyal, mayroon umanong karagdagang safeguard ang mga layers para tiyaking ligtas at mabisa ang bakuna.
Una nang nakuwestiyon ni Sen. Francis Tolentino ang papel ng DOST sa proseso, na dapat ay ipinauubaya na lamang daw sa mga health authorities ang sensitibong mga trials.
Nanawagan din ang mambabatas ng malinaw na communication plan bunsod ng umano’y magkakasalungat na pahayag mula sa DOH, DOST, at FDA kaugnay sa status ng mga potensyal na vaccines.
Tinukoy na rin ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development ang tatlong kompanya mula Russia, Estados UNidos, at China na nagsumite ng aplikasyon para magsagawa ng Phase 3 clinical trial sa bansa.
Krusyal ang naturang proseso dahil libu-libong pasyente ang babakunahan upang alamin ang safety at pagiging epektibo ng COVID-19 vaccine.
Ito rin ang karaniwang huling hakbang bago payagan nang ipagamit sa publiko.