Bumuhos ang pakikiramay sa pamilya ng pumanaw na dating tagapagsalita ng Department of Health (DoH) na si assistant secretary Dr. Lyndon Lee Suy.
Ayon sa kaniyang executive assistant na si Nelson Mendoza, binawian ito ng buhay sa edad na 55, kaninang bago magtanghali dahil sa cardiac arrest.
Sinasabing nagtuturo ito sa isang paaralan sa lungsod ng Valenzuela nang sumama ang pakiramdam at nadala pa sa pagamutan bago nalagutan ng hininga.
Ilang kaibigan, kasamahan sa trabaho at mga estudyante ang hindi makapaniwala sa maagang pagpanaw ng DoH official.
Maging ang aktres na si Dianne Medina ay gulat nang malaman ang pangyayari dahil maghapon pa raw silang magkasama kahapon para sa isang ginagawang show.
“Napakabigat ng aking puso ngayon sa pagkawala mo Asec Lyndon Lee Suy. Masaya ako na buong araw kitang nakasama kahapon, nakapagkwentuhan pa tayo ng maraming bagay dahil ang tagal natin hindi nagkita dahil nag season break ang show. Nais kong magpasalamat sa lahat Asec. Thank you for the gift of friendship— naalala ko na lagi mo akong chinecheck nung nagkasakit ako ng 2 mos last year. Maraming Salamat sa lahat. Mamimiss ka namin. Mahal ka namin Asec. Ang bigat talaga sa pakiramdam. May you Rest In Peace,” wika ni Medina.