DAVAO CITY – Buhos ngayon ang pakikiramay sa mga naulila ng official photographer ni Pangulong Rodrigo Duterte na namayapa dahil sa sakit na prostate cancer.
Bumuhos ang mga dumalaw sa burol ng beteranong photojournalist na si Rene Lumawag sa Cosmopolitan Funeral Homes sa Camus, lungsod ng Davao.
Nalagutan ng hininga si Lumawag pasado alas-6:00 nitong Lunes ng gabi sa hospital matapos ang dalawang linggo nitong pananatili sa intensive care unit (ICU).
Ayon sa pamilya, naghahanda pa sana para sa isang photo exhibit si Lumawag dahil gusto pa niyang i-display ang kanyang kuhang mga larawan.
Pinaniwalaan ng anak nitong si Skepie na nakapag-iwan ng magandang legasiya ang kanilang ama sa pagkuha ng mga magagandang larawan para sa publiko.
Taong 2013 nang ma-diagnose na may prostate cancer si Lumawag, ngunit noong Hunyo 12 lamang siya naisugod sa ICU.
Naging official photographer ni Pangulong Rodrigo Duterte mula pa noong 1986 hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.