-- Advertisements --

Patuloy ang buhos ng pakikiramay kaugnay ng pagpanaw ng ang Ang Dating Daan tele evangelist na si Bro. Eliseo “Eli” Soriano sa edad na 73.

Ito mismo ang kinumpirma ng kaniyang grupo sa pamamagitan ng paglabas ng kalatas sa social media.

Hindi naman binanggit ng grupo ang sanhi ng kamatayan ni Soriano.

Ipinanganak si Bro. Eli sa lungsod ng Pasay noong Abril 4, 1947.

Nakilala siya dahil sa matatapang na pakikipagdebate at pagsagot sa sari-saring katanungan ukol sa relihiyon, isa rin siyang multilingual tele evangelist, debater at pilantropo.

Tumatak ang kaniyang mga katagang: “Kung mabasa ko sa Biblia, aaminin mo bang talo ka na?”

Dahil sa palagi niyang nahahanapan ng batayan sa banal na kasulatan ang mga isyu, ginawan pa siya ng mga parody ng komedyanteng si Isko Salvador.

Tiniyak ng grupong Members Church of God International na ipagpapatuloy nila ang ginagawang pagpapakalat ng salita ng Diyos ni Soriano kahit na ito ay pumanaw na.

Inaasahang hahalili sa kaniyang tungkulin ang pamangkin nito na si Bro. Daniel Razon.