ILOILO CITY – Bumuhos ang pakikiramay kasunod ng pagpanaw ni Mayor Oscar Garin ng Guimbal, Iloilo.
Si Garin ay una nang dinala sa ospital matapos nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay dating Iloilo First District Rep. Richard Garin, panganay na anak ng alkalde, pinasalamatan nito ang lahat ng nag-alay ng panalangin para sa kanyang ama nang naospital ito sa loob ng 12 araw matapos nagpositibo sa nasabing virus.
Kaagad namang nai-cremate ang bangkay ng alkalde na tinuturing na patriarch ng isa sa pinakakilalang political clans sa Iloilo.
Kasunod ito ng isinagawang send-off caravan na sinamahan ng pamilya Garin, mga kaibigan at mga kaalyado sa pulitika.
Nagpakita naman ng simpatiya ang mga residente sa mga bayan sa first district sa pamamagitan ng pagsindi ng kandila sa gilid ng kalsada na dinaanan ng caravan.
Maliban sa pagka-alkalde, si Garin ang nagsilbing kongresista ng unang distrito sa Iloilo noong 1987 hanggang 1998 at 2001 hanggang 2004.