-- Advertisements --

Pakikiramay ni Pinoy boxer Jason Facularin sa pamilya Egano idinaan sa Bombo Radyo; may inamin tungkol sa kanilang laban

GENERAL SANTOS CITY- Nagmistulang bangungot para kay Pinoy boxer Jason Facularin ang sinapit ng kapwa Pinoy boxer at itinuring nitong kapatid na si Kenneth Egano ilang araw matapos ang kanilang laban sa Imus Cavite.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo GenSan, sinabi ni Facularin na labis nitong ikinalungkot ang pagkasawi ni Egano kung saan ilang araw din na hindi maayos ang kanyang tulog.

Inihayag nito, sa naging laban nilang dalawa ay kapwa ibinigay ang lahat at nakita nito ang galing ng namayapang boxer.

Sa tingin niya si Egano ay nasa maayos na kondisyon subalit aminado naman ito na malalakas ang binitawan niyang suntok na halos lahat ay tumama sa ulo ni Kenneth.

Emosyunal na ikinuwento ni Facularin, nagyakapan pa silang dalawa matapos ang laban ngunit noong sandaling hinimatay si Egano sa corner ay nakaramdam na ito ng labis na pagkabahala.

Inamin nitong umiyak sa gitna ng boxing ring ng makitang wala ng malay si Egano.

Nakikiramay si Facularin sa pamilya Egano.

Samantala, ang burol ni Kenneth ay gagawin sa Municipal gymnasium sa kanyang hometown sa Malungon Sarangani Province.