-- Advertisements --

Dinaluhan ng iba’t-ibang nationality ang isinasagawang vigil sa Vacouver, Canada, bilang pagluluksa sa pagkasawi ng 11 katao at pagkasugat ng iba pa, dahil sa pag-araro ng sasakyan sa Lapu-Lapu Day event sa naturang lugar.

Ayon kay Bombo International Correspondent Kenneth John Leo, ramdam sa vigil ang pakikiisa ng mga dumadalaw para mag-alay ng bulaklak, kandila at panalangin para sa mga inosenteng biktima.

Para kay Kenneth, ito na lang muna ang consuelo ng mga Pilipino, makaraan ang madugong pagsagasa sa mga nagtitipon sa concert.

Para kay Kenneth, mataas ang respeto ng mga tao sa mga Pilipino, kaya maging ang mga lokal na opisyal ay nalulungkot sa pangyayari.

Sinasabing isa ang Vancouver sa mga lugar sa Canada na may maraming bilang ng mga Pinoy at iba pang bansa mula sa Asia.

Ibinahagi rin nito na naroon lang sana siya upang manood ng konsyerto at para abangan ang performance ni Apl.de.ap, ngunit sa halip na mag-enjoy ay nangyari naman ang trahedyan.

Kaya hindi na umano siya nagdalawang isip na gamitin ang kasanayan sa Pilipinas dati bilang tauhan ng Bureau of Fire Protection, kung saan may sapat siyang karanasan sa pagresponde sa emergency situations.