Balik operasyon na sa Kabul airport ang Pakistan International Airlines na itinuturing na kauna-unahang international commercial flight mula ng bumagsak sa kontrol ng Taliban militants ang Afghanistan noong August 15.
Nasa 10 katao lamang na karamihan ay mga crew members at mangilan-ngilang pasahero ang lulan ng naturang commercial flight mula Islamabad, Pakistan.
Ayon sa opisyal sa Kabul airport, ito na aniya ang isa sa mga senyales ng pagsisimula ng economic normalization sa naturang bansa at sa pangunahing paliparan nito na naging sentro ng terror attack noong nakalipas na buwan kung saan nagtipon-tipon ang libu-libong Afghans na nais na tumakas at lisanin ang Afghanistan.
Noong nakalipas na linggo, ilang charter flights ng Qatar airways ang pinayagang magoperate dala ang mga inilikas na foreign nationals at Afghans palabas ng kabul airport.
Operational na rin sa ngayon ang domestic flights ng Afghan airline na Ariana Airlines simula noong Setyembre 3.