VIGAN CITY – Mahigpit na umanong ipinapatupad sa Pakistan ang iba’t ibang precautionary measures upang maiwasang makapasok sa nasabing bansa ang 2019 novel coronavirus- acute respiratory disease na galing sa Wuhan City, China.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni Dr. Rafi Ullah, isang Pakistani national na galing sa Shanghai, China nito lamang nakaraan.
Ayon kay Ullah, bago umano makapasok sa airport sa Pakistan ang mga taong galing sa labas ng nasabing bansa, tinitingnan na umano ang kanilang body temperature sa pamamagitan ng thermal scanner.
Kung makita umano ng mga Pakistani airport authorities na mataas ang temperatura ng isang tao, kaagad umano itong ilalagay sa isolation at saka isasailalim sa quarantine procedures.
Samantala, bago naman umano makaalis sa bansang China ay sinisiguro muna ng mga airport authorities na walang lagnat ang isang tao upang matiyak na hindi na maikakalat pa sa ibang bansa ang nasabing virus.