KALIBO, Aklan— Hinimok ng Pakistani ambassador ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na pangalagaan ang kapaligiran ng Boracay upang hindi mawala ang ipinagmamalaking puti at malaposbos na buhangin; mala-kristal na tubig-dagat at ang mga coral reefs na pinamamahayan ng mga isda gayundin ng iba pang lamang dagat.
Ang paghikayat ni Ambassador Imtiaz Ahmad Kazi ay kasunod sa muling pagbangon ng industrisya ng turismo sa isla ng Boracay kung saan, napansin at naitala ang pagbuhos ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa buong mundo.
Batay aniya sa kaniyang pananaliksik, ang kagandahan ng isla ang nangungunang dahilan na binabalik-balikan ng mga turista ang Boracay kung kaya’t kailangan itong pangalagaan ng husto.
Ikinatuwa rin ng Pakistani diplomat na electric tricycle na ang ginagamit bilang transportasyon sa isla dahil malaki aniya ang maitutulong nito upang maiwasan ang polusyon sa Boracay.
Ang Pakistani ambassador ay isa sa mga naging panauhin sa ginanap kamakailan lamang na Diplomatic and Business Forum sa isla ng Boracay.