-- Advertisements --

Nakatakdang bumiyahe muli patungong Los Angeles si Sen. Manny Pacquiao alas-2:00 ngayong Linggo ng hapon.

Ito’y matapos mag-emergency landing sa Haneda Airport sa Japan ang unang eroplano na sinakyan nito, limang oras mula nang mag-take off sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Batay sa impormasyon, isang diabetic na lalaking pasahero kasi ang biglang ininda ang kanyang problema sa kalusugan.

Nabatid na biyahe na sana si Pacman sa Los Angeles para sa kanyang training camp bilang paghahanda sa laban kontra Errol Spence Jr., sa darating na August 21 sa Las Vegas (August 22 Manila time).

Isa ang Pinoy ring icon sa 186 na pasaherong sakay ng Boeing 777 aircraft na bumalik sa NAIA bandang alas-11:40 kaninang umaga.

Sa huling interview ng Bombo Radyo GenSan kay coach Buboy Fernandez, nasa 80% na umano ang kondisyon ni Pacquiao at naging maganda naman ang takbo ng training sa Wild Card Gym sa GenSan.

Pagdating sa Amerika, doon ipagpapatuloy ang training kasama si coach Freddie Roach.