Nangangailangan umano ng karagdagang hakbang at sistema ang PhilHealth para matuldukan ang malalang katiwalian sa loob ng nasabing tanggapan.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, hindi na bago ang mga nabubunyag na katiwalian ngunit ang masaklap ay hindi pa rin nareresolba ang mga ito.
“This is not new as what we saw during the hearing. It appears there are unscrupulous individuals within the PhilHealth who have access to the database of members and are manipulating the processing of claims for their own benefit,” wika ni Angara.
Para sa senador, dapat magtalaga na ng “anti-fraud system” na magsasagawa ng berepikasyon sa claims at tutukoy kung may anomalya sa transaksyon.
“Meron dapat na tulad ng internal affairs service sa kapulisan na nakatutok sa mga procedures. At ngayon na si Gen. Ricardo Morales ang president at CEO ng PhilHealth, tiyak na kayang kaya niya ipatupad ito,” dagdag pa ng mambabatas.
Matatandaang ang ama ni Sen. Sonny na si dating Senate President Edgardo Angara ang nagsulong ng batas para mabuo ang PhilHealth at makatulong sa mahihirap na nagkakasakit.