-- Advertisements --

Inirekominda ni House ways and means committee chairman Rep. Joey Salceda na palakasin ang loss-recovery mechanism ng pamahalaan para matulungan ang mga naluluging magsasaka dahil sa pagbulusok ng farmgate price ng palay.

Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Salceda na mas makakabuti kung ibigay na lamang sa mga magsasaka ang P15,000 loan assistance ng Department of Agriculture (DA).

Kawawa naman aniya ang mga ito na uutang pa sa pamahalaan kahit pa lugi na matapos bumaba ang presyo ng palay ng hanggang P7 kada kilo.

Iminungkahi rin ni Salceda ang pagkakaroon ng Land Use Plan upang matukoy kung ilang ektaryang lupain ang dapat na ilaan sa pagtatanim ng palay at iba pang produkto.

Bukod dito, makakabuti rin aniya kung igiit ang Republic Act 8800 o ang Safeguards Law para patawan ng 30 hanggang 80 percent na taripa ang mga imported na bigas na lagpas sa Minimum Access Volume na 350,000 metric tons.

Lumalabas kasi ngayon ayon kay Salceda ay tila mga rice traders lamang ang nagbebenepisyo sa Rice Tariffication Law (RTL), na nagtatanggal ng Quantitive Restrictions sa rice imports, at hindi ang mga lokal na magsasaka.