LEGAZPI CITY – Naghihintay na umano at tiyak nang matatanggap ang P20,000 cash incentive ng barefoot runner mula sa Bicol na first gold medalist sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2019 na ginaganap sa Davao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Education (DepEd)-Bicol officer in-charge public information officer Mark Kevin Arroco, “in high spirits” ang buong delegasyon ng Bicol Vulcans dahil sa panalo ni Lheslie de Lima na tubong Baao, Camarines Sur, sa 3,000 meter run.
Ayon kay Arroco, gutom ang Bicol sa panalo at pag-angat ng ranking upang makapasok sa Top 10 kaya malaking tulong sa pag-motivate ang incentives.
Hands-on din aniya si DepEd Bicol Regional Director Gilbert Sadsad sa pag-asikaso sa mga atleta na ipinagpaliban muna ang pagdiriwang ng wedding anniversary kahapon para sa pagbubukas ng Palaro.
Samantala, inaasahang muling mag-uuwi ng medalya si Lheslie sa iba pang events nito.