DAVAO CITY – Pinayuhan ng Department of Education (DepEd)-11 ang mga delegado ng Palarong Pambansa 2019 na maging pamilyar sa mga evacuation sites at emergency guidelines matapos ang naganap na lindol sa ilang parte ng bansa.
Inihayag ni DepEd-11 spokesperson Jenielito Atillo, nailagay na nila ang mga signages upang magabayan ang mga ito kung saan pupunta at kung ano ang gagawin sa mga panahon ng sakuna dahil napakahalaga umano ang familiarization sa lugar.
Samantala, inihayag naman ni Atillo na ipinaabot ng kanilang mga counterparts ang pag-aalala nila sa kanilang mga atleta na nakatira sa mga apektadong lugar ng lindol sa Luzon at Visayas.
Iginiit naman ni Atillo na walang dapat ipag-alala ang mga ito dahil karamihan sa mga atleta ay nakarating na ng Davao City bago pa man ang naturang trahedya.
Sinabi rin ni Atillo na mayroong 18 delegations para sa upcoming sporting event, at mula naman sa dating 18,000 na lalahok sa Palaro, inaasahan nila ngayon na aabot na 20,000 ang bilang ng mga ito, na kinabibilangan ng mga players, delegation officials at iba pang mga opisyal kasali na ang mga guests.
Nauna na ring inilagay ng Public Safety and Security Command Center (PSSCC) ang mga CCTV cameras sa paligid ng University of the Philippines (UP) Mindanao Sports Complex at mga billeting areas upang ma-monitor ang segurdad ng mga delegado.