Ipinag-utos na ng Department of Education (DepEd) ang pansamantalang pagpapaliban sa lahat ng mga national activities gaya ng athletic meets at talent festivals dahil pa rin sa banta ng novel coronavirus.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na marami raw kasing mga magulang ang nababahala lalo pa’t sa unang quarter ng taon karaniwang ginagawa ang naturang mga aktibidad.
Kadalasang idinaraos ang mga regional athletic meets sa mga buwan ng Enero o Pebrero, bilang mga qualifying events para sa mas malaking sporting event na Palarong Pambansa na ginaganap tuwing Abril o Mayo.
Paliwanag pa ni Briones, nag-iingat din lamang sila dahil sa ganitong mga okasyon ay dinadaluhan ito ng libu-libong mga katao na nanggaling pa sa iba’t ibang mga lugar at rehiyon sa bansa.
Aniya, baka posible pa itong maging daan upang lumaki pa ang bilang ng mga dinapuan ng naturang impeksyon.
“We have been advised to take care with exposing our children to public places. So right now the policy is the temporary postponement of national activities,” wika ni Briones.
Una nang inanunsyo ng DepEd sa Region 6 na kanila na munang ipagpapaliban ang Western Visayas Regional Athletic Association Meet bunsod pa rin ng isyu.
Sa ngayon walang pagbabago sa idaraos na Palarong Pambansa 2020 na gaganapin sa lungsod ng Marikina mula Mayo 1 hanggang Mayo 9.