KALIBO, Aklan—Nagtagumpay ang mag-ama sa larangan ng paglangoy matapos na mabasag ni Jennuel Booh De Leon, residente ng Barangay Liloan, Malinao, Aklan ang record na dating hawak ni John Neil Paderes ng CALABARZON noong 2019 sa 50m backstroke sa oras na 26.78 seconds sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2023 sa Marikina City.
Nasungkit din ni De Leon ang gintong medalya sa 100m freestyle at silver medal naman sa 4X50 Medley Relay kung saan, ang mismong ama nito na si Mr. Manuel De Leon Jr. ang kaniyang trainor na sinimulan ang paghasa sa kaniya sa edad na anim na taong gulang.
Ayon sa binata, bunga ito ng kanilang paghihirap na mag-ama kasama ang iba pang coaches sa training.
Sa ngayon ay plano ng atleta na sumabak sa mga international competition matapos ang tagumpay sa Palarong Pambansa 2023.
Sa kabilang dako, nakita ng kaniyang ina na si Jenny De Leon ang gigil sa pagsimula pa lamang ng laro kung saan, lubos ang kanilang pasasalamat na hindi nabigo ang binata.
Nag-uumapaw aniya ang blessings sa kaniyang anak dahil nagmarka ang pangalan nito sa kasalukuyang edition ng Palarong Pambansa.
Si Jennuel ay nagmula sa pamilya ng mga swimmers at incoming grade 12 student sa Northwestern Visayan Collerges sa bayan ng Kalibo, Aklan.