DAVAO CITY – Tiniyak ng lokal na pamahalaan at ng Department of Education (DepEd)-11 na imomonitor nila ang lahat ng mga delegasyon lalo na ang mga atleta sa Palarong Pambansa 2019.
Ito ay para maiwasan umano ang mga nangyari sa nakaraang Davao Region Athletic Association (DAVRAA) Meet 2019 kung saan may atleta na nagkasakit at tuluyang namatay.
Ayon kay Atty. Zulieka Lopez, Davao City administrator, mahigpit ang bilin ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na kailangan makipag-ugnayan agad sa mga opisina sa siyudad ang bawat delegasyon para matutukan ang mga ito lalo na ang kalagayan ng kanilang kalusugan.
Kung maaalala, isang atleta ang nasawi sa DAVRAA Meet 2019 nito lamang Pebrero dahil sa acquired pneumonia secondary to dengue.
Samantala, sinabi naman ni DepEd Secretary Maria Leonor Briones na dalawang linggo bago ang Palarong Pambansa, mayroon nang check-up na isasagawa sa mga atleta para masiguro ang kalagayan ng kanilang kalusugan bago ang mismong araw ng aktibidad.