-- Advertisements --
MARIKINA SPORTS COMPLEX
Marikina City Sports Complex (file photo from FB)

Inirekomenda ngayon ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ang pagsuspinde ng Palarong Pambansa na gaganapin sana mula May 1 hanggang May 9, 2020.

Ang hakbang ng lungsod ay kinumpirma rin ng tanggapan ng Marikina PIO bunsod na rin ng pangamba sa deadly virus at sakit na COVID-19.

Bago ito sinuspinde na rin ng DepEd ang lahat ng naunang itinakdang national at regional events ng mga estudyante sa iba’t ibang lugar sa bansa tulad ng regional athletic meets.

Ang isyu sa Palarong Pambansa sa buwan ng Mayo ay iniatang na ng DepEd ang desisyon sa Palaro board.

Ang Palarong Pambansa na nilalahukan ng lahat ng rehiyon mula elementarya at high school ay mahalaga sa DepEd at Philippine Sports Commission (PSC) dahil kadalasan dito nakakadiskubre ang bansa ng mga may potential na atleta para maging national athletes tulad na lamang nina Lydia de Vega, Elma Muros, Eric Buhain at marami pang iba.

Una rito kinumpirma ni Mayor Teodoro ang unang kaso ng coronavirus disease sa siyudad.

Ito raw ay isang 86-anyos na residente na kabilang sa bagong apat na inanunsiyo ng Department of Health (DOH) nitong nakalipas na Linggo ng gabi.

Agad na nilinaw ng mayor na ang lalaking pasyente ay hindi maituturing na local transmission ang kaso dahil may travel history ito sa pagbiyahe sa South Korea.