Tuluyan nang kinansela ng Department of Education (DepEd) ang Palarong Pambansa at iba pang malalaking mga events ngayong taon bilang pag-iingat sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na ito raw ay para maiwasan ang pagkakaroon ng maramihang pagtitipon ng tao, na posibleng magbigay-daan pa para lalong kumalat ang deadly virus sa bansa.
“‘Yong ating usual activities na napaka-exciting, nakakatuwa, na lahat, buong bansa nakikisali talaga, national events ay pansamantalang kina-cancel natin,” wika ni DepEd Sec. Leonor Briones sa isang virtual press briefing.
Nakatakda sanang idaos ang Palaro 2020 sa lungsod ng Marikina mula Mayo 1 hanggang 9.
Ngunit dahil sa coronavirus threat ay napilitan si Marikina Mayor Marcelino Teodoro na huwag na lamang idaos ang regional sports meet.
Samantala, maging ang iba pang mga events ng DepEd gaya ng talent contests, science and job fairs, at campus journalism events ay kanselado na rin.
Una na ring inanunsyo ng kagawaran na itatakda na sa Agosto 24 ang pagbubukas ng school year 2020-2021.