Itinatanggi na ngayon ng Malacañang na galing kay Pangulong Rodrigo Duterte o sa Office of the President (OP) ang ouster plot matrix laban sa Pangulo.
“The source of that is from the Office of the President, from the President himself. I don’t know how he got one. But it’s coming from the President. I talked to him the other day,” ani Presidential Spokesman Sec. Salvador Panelo noong April 22 briefing sa Malacañang.
Sa press briefing naman ngayon sa Malacañang, nilinaw ni Sec. Panelo na natanggap lamang niya ito galing sa hindi kilalang source sa pamamagitan ng mensahe sa kanyang cellphone.
Sinabi ni Panelo, malabo nga daw ang natanggap na kopya kaya pina-download sa staff ang kopya ng matrix na inilathala ng Manila Times.
Ikinonsulta raw niya ito kay Pangulong Duterte sa pamamagitan ng pag-uusap nila sa telepono at binigyan siya ng go-signal para talakayin sa briefing.
Itinanggi rin ni Sec. Panelo na sa kanila galing ang terminong “ouster plot” sa inilabas na matrix.
Wala rin daw balak ang Malacañang na kasuhan ang mga mamamahayag at abugadong nasa matrix dahil wala pa raw nagagawang krimen.
Ang kanilang paglalabas umano ng matrix ay babala lamang na alam nila ang plano ng mga nabanggit na persinalidad at huwag ng ituloy.