Hindi kumbinsido ang Malacañang sa ilang testimonya ng mga testigo na inihaharap sa pagdinig ng Senado kaugnay sa naganap na drug raid sa Pampanga noong 2013 kung saan iniuugnay si resigned PNP Chief Oscar Albayalde.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bilang isang abogado, tingin nito ay hindi ito tatayo bilang mga ebidensya sa korte ang aniya’y “hearsay” lang.
Ayon kay Sec. Panelo, partikular dito ang inihayag noon ni Ret. Police Gen. Rudy Lacadin na hindi siya sigurado kung nagbibiro si Albayalde noong sabihin nito sa kanya sa isang tawag na kakaunti lang ang napunta sa kanya mula sa drug raid.
Maging ang mga pahayag ni dating CIDG chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay parang “hearsay” o sabi-sabi lang at hindi naman batay sa kanyang personal na nalalaman.
Kaya iginiit ni Sec. Panelo na dapat sagutin ng mga ito ang tanong ni Albayalde na kung bakit sa kabila ng mga imbestigasyon nila ay hindi sila nagsasampa ng kaso sa PNP chief.
Itinanggi naman ni Sec. Panelo na mistulang tumatayo siyang abogado ni Albayalde at nagsasabi lang siya ng opinyon bilang isang abugado.