-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Malacañang na hindi ipinagbabawal ng batas sa Pilipinas ang pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng Malacañang matapos aminin ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na nabigyan na ng bakuna laban sa COVID-19 ang ilang gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte at Presidential Security Group (PSG).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang tanging ipinagbabawal ay ang distribusyon at pagbebenta ng bakuna.

Sa ngayon, wala pang ibinibigay na otorisasyon ang Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas sa ano mang uri ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Sec. Roque, itinurok ang bakuna sa mga sundalong pumayag na magpabakuna.
Hindi umano dapat na ipagkait ang bakuna sa mga sundalo para magkaroon sila ng proteksyon.

Inihayag ni Sec. Roque na mahalaga kasi ang papel na ginagampanan ng mga sundalo sa lipunan lalo na sa pagbibigay seguridad.

Maaring donasyon umano ang mga bakunang itinurok sa mga sundalo at walang bayad.