Todo paliwanag ang Malacañang sa alegasyon ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na kulang ang mga idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang statement of assets, liabilities and networth (SALN).
Magugunitang sa talumpati ni Pangulong Duterte nitong Sabado, binanatan ni Pangulong Duterte ang PCIJ dahil sa report nito kaugnay sa mga umano’y yaman ng kanyang pamilya.
Kabilang na dito ang umano’y hindi pagdedeklara ng mga Duterte ng kita mula sa law firm na Carpio and Duterte lawyers.
Pero iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi na kailangang ideklara ni Pangulong Duterte ang kita mula sa law firm dahil posibleng wala na siya doon pagpasok sa gobyerno.
Ayon pa kay Sec. Panelo, hindi rin obligado si Pangulong Duterte na ideklara kung saan galing ang pera o yaman basta ang mahalaga at required sa batas ay pagdedeklara o paghahain ng SALN.
“I don’t know about the law firm. Because if that law firm was established during the time when he was a practicing lawyer, eh matagal na matagal na iyon. Baka non-existent na iyon,” ani Sec. Panelo.
Inihayag naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea na halatang pinupuntirya ng mga kritiko ang SALN ni Pangulong Duterte para lamang hanapan ito ng butas pero bigo raw sila.