CAGAYAN DE ORO CITY – Tanging hangad lamang umano ng Malakanyang na mananatili ang buong kooperasyon ng punong ehekutibo ng Pangulong Rodrigo Duterte at sa sinuman ang mauupong pinuno ng Kamara sa bansa.
Ito ang paglilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque kaugnay sa banta ni Presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte na idedeklara nitong bakante ang puwesto ng pagka-speaker at deputy speakers dahil marami mga mambabatas daw ang disyamado sa hatian ng district allocations sa ilalim ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Roque na walang basbas mula kay Pangulong Duterte ang hakbang na ginawa ni Pulong na naglalayon umanong patalsikin sa puwesto si Cayetano na ka-term sharing naman ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Inihayag ng kalihim na iginagalang ng Malakanyang ang kapangyarihan ng Kamara kaya ayaw nila makisawsaw sa anumang mainit na usapin ng mga mambabatas.
Una nang dumulog kay Rep. Pulong ang ilang sa kanyang mga kasamahan dahil hindi raw patas ang trato ni Cayetano pagdating sa hatian ng pondo para sa mga distrito ng bansa.