Nilinaw ng Malacañang na wala silang pakikialam sa naganap na paghahain ng mga reklamo laban kay Vice President Leni Robredo at iba pang mga kritiko.
Magugunitang kahapon, inireklamo ng PNP-CIDG sa Department of Justice (DOJ) sina Robredo ng sedition, inciting to sedition, cyber libel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice.
Kaugnay ito sa umano’y pagkakaugnay nila sa lumabas na “Ang Totoong Narcolist” videos na gawa umano ni Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” na ginawa namang state witness sa mga kaso.
Sinabi ni Presidential Spokesmann Salvador Panelo, nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang reklamo ng PNP-CIDG at ikinagulat raw niya ito.
Ayon pa kay Sec. Panelo, wala ring kaugnayan sa Malacañang si Atty. Larry Gadon na tumatayong abugado ni Advincula na siyang dati ring naghain ng impeachment complaint laban kay noo’y chief justice Maria Lourdes Sereno.
Inihayag ni Sec. Panelo, bilang abugado, natural lang kay Gadon na kumuha ng mga kliyente.
Pero inamin naman ni Sec. Panelo na magbibigay daan daw ang pagsasampa ng reklamo na ito para malaman talaga kung sino ang nasa likod ng propaganda para siraan ang pangulo at ang kanyang pamilya.