Nagpaabot ng pagdadalamhati ang Malacañang, maging si dating Pangulong Joseph Estrada at iba pang mga personalidad sa pagpanaw ni dating Manila mayor Alfredo Lim.
Una rito, pumanaw nitong Sabado si Lim sa edad na 90 sa hindi pa malamang dahilan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential spokesperson Sec. Harry Roque na nakikiramay sila sa naiwang pamilya at mga kaibigan ni Lim, maging sa mga tagasuporta nito.
“The nation, particularly the City of Manila, remembers Mayor Lim for his tough stance against criminality and drugs. He left a legacy of law and order to his constituents,” saad ni Roque.
“We pray for the repose of his soul as we keep the family of Mayor Lim in our thoughts and prayers during this time of great loss,” dagdag nito.
Sa isang Facebook post naman, pinuri ni Estrada si Lim para sa ipinamalas nitong pagmamahal sa mga hirap sa buhay, kaya hinding-hindi raw ito malilimutan ng mga taga-Maynila.
“Naging magkatunggali man kami sa pulitika, alam ko na iisa lang ang aming hangarin, ang mabigyan ng magandang buhay ang mahihirap nating mga kababayan, lalo na ang Masang Manilenyo,” wika ni Estrada.
“Hinding-hindi ka malilimutan ng Maynila,” ani Estrada.
Magugunitang tinalo ni Estrada si Lim noong 1998 presidential elections, ngunit itinalaga nito ang huli bilang kanyang Interior secretary.
Maging ang kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Isko Moreno ay ikinalungkot din ang pagpanaw ni Lim.
“Hinding hindi ka namin lilimutin. Maraming salamat po sa serbisyo sa aming mga Batang Maynila,” saad ni Moreno.
Naging bise alkalde ni Lim si Moreno mula 2007 hanggang 2013, bago lumipat ang huli sa kampo ni Estrada.
Samantala, nitong Sabado ng gabi ay isinara ang ilaw sa clock tower ng Manila City Hall bilang pakikiramay sa pagpanaw ng dating alkalde ng siyudad.