Handa umano ang gobyerno na magbigay ng subsidiya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sakaling maubos ang pondo nito para mapanatili ang kanilang operasyon.
Pahayag ito ni Presidential spokesperson Harry Roque makaraang ibunyag ni PhilHealth acting Senior Vice President Nerissa Santiago sa isang pagdinig sa Senado na tatagal na lamang hanggang 2021 ang kanilang reserve fund.
Sinabi ni Santiago na ito raw ay dahil sa mababang koleksyon at inaasahang pagtaas sa benefit payouts bunsod ng COVID-19 pandemic.
“As author of the universal healthcare [law], we never even for one minute considered that the survival of PhilHealth will solely be by reason of premiums,” wika ni Roque.
“Alam po namin na hindi makakamit ang libreng gamot at libreng pagamot kung premiums lang ang panggagalingan ng gagastusin ng PhilHealth. Kung maubos ang pera ng PhilHealth, gobyerno po ang magbibigay ng pondo kaya nga po ang tawag diyan universal healthcare, hindi medical insurance.”
Sinabi pa ni Roque, ang parallel investigation ng Palasyo tungkol sa umano’y katiwalian sa PhilHealth ay tahimik daw na isinasagawa ni Undersecretary Jesus Melchor Quitain ng Office of the Special Assistant to the President.