Tiniyak ng Malacañang na tatalima sila sa utos ng Korte Suprema na magkomento sa petisyong nananawagang kanselahin ang loan agreement ng Pilipinas at China para sa Chico River Pump Irrigation.
Batay sa 67 pahinang petisyong inihain ng Makabayan bloc, hinihikayat nila ang Korte Suprema na ipawalang-bisa ang $62 million loan agreement dahil sa umano’y pagiging unconstitutional nito.
Partikular na binanggit ng mga petitioner ang paggamit sa patrimonial asset ng bansa para matiyak na makakabayad ang Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, gaya ng palagi nilang sinasabi, inirerespeto ng Malacañang ang mandato o hakbangin ng ibang sangay ng pamahalaan partikular dito ang Supreme Court (SC).
Ayon kay Sec. Panelo, susunod umano sila sa SC at tinitiyak nitong angkop ang kanilang magiging tugon sa petisyon.
Nanindigan si Sec. Panelo na ang loan agreement sa China ay dumaan sa maraming pag-aaral at evaluation kaya naniniwala silang hindi ito lumalabag sa Konstitusyon taliwas sa ibinibintang ng mga petitioner.